“Ang Pagnanakaw para Mabuhay” ni Marifel Quicho
- HUMMS A

- Mar 16, 2018
- 8 min read
Sa isang bakuran ay mayroong napakagandang hardin kung saan tumutubo ang iba't-ibang klase ng bulaklak may pula, puti, asul, dilaw at marami pang iba. Sa hardin na ito'y nakakalipad ng matiwasay ang mga paru-paro habang kumakanta naman ang mga ibon. Ang hardin na ito'y pagmamay-ari ng isang babaeng nagngangalang Lourdes. Siya ay dalaga pa rin sa edad na 40 dahil sa pagkamapili sa lalaki ngunit kahit ganoon siya'y may pusong mamon pa rin. Si Lourdes ay namuhay ng nag-iisa, ang kanyang mga magulang ay nagpahinga na at nag-iisa lamang siyang anak ng mga ito. Ang hardin niya lamang ang itinuturing niyang pinakamahalagang bagay na mayroon siya. Isang araw habang siya'y namamahinga sa kanyang bahay ay napadaan ang dalawang batang lalaki na sina Carlos at Tomas.
"Kuya, gutom na gutom na ako". Sabi ni Carlos sa kanyang nakakatandang kapatid.
"Huwag kang mag-alala, hahanap tayo ng paraan", Saad ng kuya nito habang nililibot ang paningin.
"Carlos tignan mo ang ganda ng mga halaman", Sabi ni Tomas habang tinuturo ang mga halaman ni Lourdes.
"Oo nga kuya, kumuha tayo tapos ibenta natin sa bayan", Suhestiyon ni Carlos.
"Tama ka Carlos, upang may makain tayo mamayang hapon", Sabi naman ni Tomas.
"Sandali lang baka'y mahuli tayo ng may-ari dapat ay magplano tayo upang hindi tayo mahuli", Saad naman ni Carlos.
"Tama ka ganito nalang, susubukan kung pumasok sa loob ng bahay at magpapangap na nahimatay upang dalhin niya ako sa ospital at habang wala kami ay kumuha ka ng mga bulaklak upang ating maipagbili", Sabi ni Tomas.
" Magandang ideya yan kuya, sige galingan mo ang pagpapanggap kuya", Saad ni Carlos.
At kumatok nga si Tomas sa bahay ni Lourdes habang nagtatago naman si Carlos sa bakod.
"Tao po, tulungan niyo po ako", Sigaw ni Tomas habang kinakatok ang pinto. Kaagad namang pinagbuksan ni Lourdes ang bata.
"Ate pwede po ba akong manghingi ng tubig, uhaw na uhaw na po kasi ako", sabi ni Tomas.
"Oo ijo pumasok ka at ipagkukuha kita ng tubig", Sabi ni Lourdes.
" Maraming salamat po ate", Sabi naman ni Tomas.
"Tawagin mo nalang akong Lourdes", Sabi ni Lourdes habang binibigyan niya ng tubig ang bata.
"Maraming salamat po ate Lourdes kailangan ko na pong umalis", Sabi naman ni Tomas.
" Oh sige bata mag-ingat..", bago pa lang matapos ang sasabihin ni Lourdes ay biglang bumagsak ang bata sa sahig.
"Bata, bata okay ka lang ba?", Sabi niya habang yinuyogyog ang bata ngunit hindi man lang ito natinag. Kaya lumabas si Lourdes sa bahay buhat ang bata at naghanap ng masasakyang pedicab upang maihatid ito sa ospital.
" Ang galing talaga ni kuya", Sabi ni Carlos habang lumalabas sa kanyang pinagtataguan at tinatanaw ang pedicab na sinasakyan ng kanyang kapatid at may-ari ng bahay na mukhang patungo nga sa ospital. Kumuha siya ng kariton at inilagay ang ang mga magagandang halaman sa loob ng nito nang napuno na ang kariton ay umalis na siya dala ang mga halaman at itinago ito sa ilalim ng kahoy malayo sa pinagkunan nito at babalik pa sana siya upang kumuha pa ulit ngunit ngunit nakita na niya ang may-ari ng bahay na bumababa sa pedicab. Sa pagbalik ni Lourdes sa kanyang bahay ay laking pagtataka niya na parang may nawawala sa kanyang mga halaman ngunit isiniwalang bahala niya lang iyon dahil sa pagaakalang namamalik mata lamang siya. Binawala niya lang iyon dahil kailangan niya ng magpahinga dahil napagod siya sa pagdala sa bata sa ospital. Naalala niya ang pangyayari sa ospital......
"Doctor tulungan niyo ako", sigaw ni Lourdes pagkapasok niya sa ospital.
"Anong nangyari sa kanya", tanong ng doctor kay Lourdes habang inilalagay sa higaan ang bata.
" Bigla na lang siyang nahimatay", sagot niya sa doctor.
"Ganoon ba", sabi ng doctor habang in-examine ang bata.
"Baka dahil sa pagid doc", sabi ni Lourdes.
" Oo dahil nga sa pagod, nars turukan mo ang bata ng dextrose", Tawag ng doctor sa nars.
Pagkasabing-pagkasabi ng doctor sa salitang iyon ay bigla nalang bumangon si Tomas.
"Ate asan po ako?", tanong niya kay Lourdes at kunwaring tinitignan ang paligid.
" Nasa ospital ka, nahimatay ka kanina", saad ni Lourdes.
"Okay na po ako, pwede na po ba akong umuwi?", tanong ni Tomas habang bumababa sa higaan.
"Kailangan mo pang magpahinga ng kaunti", sabi ni Lourdes." Sa bahay nalang po ako magpapahinga", sabi ni Tomas.
"Oh sige ihahatid na kita sa inyo", sabi ni Lourdes
"Huwag na po, maraming salamat sa inyo", sabi ni Tomas at biglang tumakbo palabas ng hospital.
Napabuntong hininga nalang si Lourdes at naghanda na upang makaidlip ng kaunti.
Sa kabilang dako naman ay nakarating na si Tomas sa kanilang tinutuluyang barung-barong. Habang hinihintay ang kapatid na umuwi ay nilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid.
" Mga anak, hali na kayo kakain na tayo ng hapunan tama na ang paglalaro", sabi ng ina ni Tomas at Carlos.
" Nanay si kuya parang bakla", sabi ni Carlos habang tinuturo ang kuya.
" Anong bakla, lalaki ako", pagmamalaki nito habang inaangat ang braso na para bang may muscle.
" Hahahaha. Eh kuya bakit ang haba ng buhok mo", tanong ni Carlos.
" Anak hindi ibig sabihin non bakla na ang kuya mo, ang lalaking mahabang buhok kasi parang astig tignan", sabi ng ama nila.
" Ipagupit na kasi natin yan", sabi ng ina.
" Ayaw ko po gusto kung pahabain pa ito", kontra naman ni Tomas.
" Hala si kuya gusto niya maging babae", sabi ni Carlos na nagdulot ng halakhakan ng buong mag-anak.
Biglang tumulo ang luha ni Tomas sa alaalang iyon noon kasama ang buong pamilya. Ang magandang buhay nilang magkapatid bago dumating ang dagok na kinakaharap nila ngayon. Simula nang namatay ang kanilang mga magulang namuhay silang magkapatid na nakakakain lang ng isang beses sa isang araw. Natuto silang kumapit sa patalim sa edad na 12 at 10 taong gulang, nagnanakaw sila ng pagkain sa tindahan o kaya sa pamilihan ng gulay, maswerte pa nga sila na may mauuwian silang bahay. Dati ang bahay na itoy kasingkulay ng bahaghari at kasingsaya ng mga ibong malaya.
Bumalik sa kasalukuyan ang kanyang pag-iisip ng may kumatok sa pintuan.
" Kuya, kuya andyan ka na ba", tanong ni Carlos na nasa labas.
"Oo, pumasok ka", sagot ni Tomas habang pinapahid ang luhang pumatak sa kanyang mga mata.
" Kuya pumunta na tayo sa bayan ibenta natin ang mga halaman", Sabi ni Carlos
"O sige tara na", sabi ni Tomas. Kinuha nila ang mga bulaklak sa pinagtaguan nito at dinala nila ito sa bayan upang ipagbili.
Habang nagbebenta ang mga bata ng mga bulaklak sa bayan ay lumabas na si Lourdes upang diligan ang kanyang mga bulaklak ngunit laking gulat niya na hindi lang siya namalik mata kanina , nawawala nga ang halos kalahati ng kanyang mga halaman at ang masaklap pa doon ay ang mga magaganda at madalang na makita sa kanilang lugar ang mga bulaklak na iyon kaya ito'y napakamahal dahil galing pa ito sa ibang bansa. Ngunit wala siyang magawa dahil hindi niya alam kung sino ang kumuha nito. Nagtanong tanong siya sa kanyang mga kapitbahay ngunit wala silang nakita dahil abala rin ang mga ito sa kanilang mga ginagawa. Gusto na ni Lourdes na umiyak at magsumbong sa mga pulis na may nagnakaw sa kanyang mga halaman nang may nakita siyang bulaklak na hawak ng isang ale na kaparehong kapareho ng sa kanyang mga halaman
"Manang sandali lang po", tawag niya sa ale habang tumatakbo palapit dito.
" Oh bakit iha?", tanong ng ale sa kanya.
" saan po ba galing ang bulaklak na ito", tanong niya sa ale.
" ah ito ba iha, nabili ko ito sa bayan aba'y ang ganda tapos ang baba lang ng presyo. Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin iha, dalawang bata lang ang nagtitinda nito, natanong ko nga sa kanila kung saan galing ang mga bulaklak na ito, sabi naman nila na dala ng kanilang ina galing ibang bansa at nakuha lang sa mababang halaga", kwento ng ale.
"Asan po ba sila nagtitinda ale?", tanong ni Lourdes
" Ay malapit sa police station yung nasa gilid lang ng kalye kaya matagpuan mo ito kaagad, bilisan mo iha baka magkaubusan pa, ang baba lang kasi ng presyo", sabi ng ale.
"Maraming salamat po", sabi ni Lourdes at nagmadali na siyang magbihis upang puntahan ang sinasabi ng ale laking kutob niya na ang mga ninakaw na bulaklak niya ang itinitinda sa bayan magkatulad iyon sa kanya kahit ang lalagyan nito.
Nong narating niya ang sinasabi ng ale ay nagtago siya malapit sa pinagtitindahan ng dalawang bata upang obserbahan ang mga ito. Laking gulat niya na isa sa mga batang iyon ay ang kanyang tinulungan kaninang umaga kaya dali-dali siyang pumunta sa police station malapit sa lugar upang i report nito na ninakaw lang ng dalawang bata ang halaman mula sa kanya, rumesponde naman kaagad ang mga pulis.
Nilapitan nila ang mga bata at itinanong kung saan galing ang mga bulaklak.
" Galing po ito sa ibang bansa, dala po ni nanay", sagot ni Tomas.
" Asan ang nanay niyo?", tanong ng pulis.
" Nasa bahay po", sabi naman ni Carlos.
"Galing pa po kami sa kabilang bayan kaninang umaga ngunit hindi naubos kaya lumipat kami dito", dagdag pa ni Tomas.
"Talaga, eh kaninang umaga rin kita dinala sa ospital", biglang sulpot ni Lourdes habang tinitignan si Tomas. Napaatras ang magkapatid ng makita nila ang may-ari ng mga halaman.
"Takbo", bulong ni Tomas kay Carlos. Nang hawakan sila ng mga pulis ay bigla nalang silang tumakbo hinabol naman sila ng mga pulis. Biglang nadapa si Carlos dahil sa isang bato kaya ay naabutan siya ng mga pulis.
"Carlos!", sigaw ni Tomas habang bumabalik.
"Kuya takbo bilisan mo huwag kang mgpahuli", sigaw ni Carlos.
Walang magawa si Tomas kaya tumakbo nalang siya ng takbo at nilito ang mga pulis hanggang sa hindi na siya nasundan ng mga ito.
Pag uwi niya'y iyak siya ng iyak dahil sa nangyari sa kanyang kapatid. Umuwi siya sa kanilang bahay na mabigat ang puso. Nagplano siya kung paano makakalabas ang kanyang kapatid sa kulungan, kailangan niyang magmadali at baka dalhin ang kanyang kapatid sa bahay ampunan at hindi niya na makita ito ulit. Naisipan niyang bukas na bukas ay pupuntahan niya si Ate Lourdes sa tinitirhan nito at huminging kapatawaran para hindi nito idemanda ang kanyang kapatid. Iku-kwento niya ang kanilang pinagdaanang hirap matapos mawala ang kanilang mga magulang. Kung paano nila kailangang kumapit sa patalim at mabuhay sa binggit ng kamatayan. Baka maawa ito sa kanila at patawarin sa kanilang ginawa. Kinabukasan ay walang pagaalinlangang pumunta si Tomas sa tinitirhan ni Lourdes.
"Tao po, tao po", katok ni Tomas sa pinto.
"Ano ang ginagawa mo dito?", tanong ni Lourdes kay habang nangigilati sa galit. Biglang lumuhod si Tomas na ikinagulat ni Lourdes.
"Ate Lourdes maawa po kayo sa amin, sa kapatid ko, hindi po namin iyon kagustuhan wala lang po talaga kaming makain. Tatlong araw na po kaming hindi kumakain", iyak ni Tomas. Bigla namang naawa si Lourdes sa sinabi nito.
"Bakit asan ba mga magulang ninyo?, tanong ni Lourdes.
"Patay na po sila ate dahil sa isang sunog sa palengke kung saan nagtitinda si inay", sagot ni Tomas.
"Ate Lourdes nagmamakaawa po ako sa inyo ako nalang po ang ikulong ninyo sampung taon pa po siya", sabi pa ni Tomas.
" Sige hindi ko kayo idedemanda ngunit sa isang kondensyon, ipangako niyo sa akin na magtatanim kayo ng mga halaman at kailangan niyo itong alagaan kapalit ng mga kinuha niyo sa akin", sabi ni Loudes.
"Opo ate Loudes nangangako ako", sabi ni Tomas habang itinataas ang kamay.
"Dapat lang ngunit dapat hindi lang sa salita dapit gawin ninyo", sabi naman ni Lourdes.
Pagkatapos ng ilang minutong paguusap ay pumunta sila sa presinto upang sunduin ang kapatid nito. At hindi rin binali ni Tomas ang kanyang pangako kay Loudes. Pumupunta siya sa bahay nito upang diligan ang mga bagong tanim na halaman sa bakuran ni Lourdes na sila ng kapatid niya ang nagtanim. Napamahal kay Lourdes ang mga bata gayundin ang mga batang iyon. Hindi kalauna'y kinupkop sila ni Lourdes. Namuhay silang tatlo puno ng kasiyahan at pagmamahal pangit man ang unang paghaharap. Nagkaroon ng bagong buhay ang magkapatid dahil kay Lourdes.
p
Comments