top of page

“Ng Dahil sa Lapis” Ni Marifel T. Quicho

  • Writer: HUMMS A
    HUMMS A
  • Mar 16, 2018
  • 4 min read

“Ate pahiram ng lapis”, sabi ng kapatid ko.

“Ayoko nga, baka baliin mo”, sabi ko naman. Ngunit bigla niya itong hinablot sa akin at tumakbo sa kanyang kwarto. Naginit ang ulo ko at sinipa ko ang pintuan hanggang sa may naalala akong pangyayaring kahawig ng sitwasyong iyon…

Isang hapon habang nasa bahay ako at kakarating ko lamang mula sa paaralan. Pagkapasok ko’y dumiretso ako kaagad sa lamesa na nasa sala upang gumawa ng takdang aralin upang makalaro ako mamayang dapit hapon. Habang ako’y nagbubuklat ng libro’y dumating ang kapatid kong kahit nasa labas pa ay rinig na rinig na ang mala pusang tinig niya, galling rin siya sa eskwelahan at kakauwi lang rin. Para talaga siyang isang pusang di mapakali dahil sa kaingayan, kahit ano nalang ang yinayawit, ang ayaw ko pa naman sa lahat ay iyong maingay kapag ginagawa ko ang takdang aralin ko.

“Tumahimik ka nga Mark, ang ingay mo may ginagawa ako dito.”, Saad ko.

“Ano po yan Ate?”, Tanong naman nito.

“Di mo alam to, Grade 2 ka palang”, Sabi ko naman.

“Okey”, Saad nito at bumalik sa paglalaro, kumuha siya ng laruang sasakyan at parang pinaaandar ito.

“Broom..Broom..Peep..Peep..Broom”,Gaya niya sa tunog ng mga sasakyan.

“Ano ba Mark, doon ka nga sa kwarto kundi isusumbong kita kay papa”, Panakot ko sa kanya.

Tumigil siya sa paglalaro at tumingin sa akin at imbis na sundin ang sinabi ko'y lumapit siya sa akin sa lamesa habang binubuksan ang kanyang bag. Kumuha siya ng papel at tumabi sa akin.

"Ako rin ate, gawa ako niyan", Sabi niya

Nanghiram siya ng lapis sa akin, kasi daw ay nawala niya ang sa kanya, ngunit isa lamang ang nasa akin at ginagamit ko pa ito.

" Maghiraman nalang tayo ate, please", Sabi niya.

" Oh bilisan mo", Sabi ko naman sa kanya habang binibigay ang lapis sa kanya. At yung nga nag-hiraman kami ng isang lapis, kapag nag-babasa ako kinukuha niya ito sa akin at kapag magsusulat naman ako'y kukunin ko ito sa kanya.

Pumunta ako sa kusina dahil iinom ako ng tubig at kukuha ng meryenda namin, nung pagbalik ko sa sala at tatapusin ang ginagawa ko, kinuha ko ang lapis sa kapatid ko ngunit ayaw niya na itong ibigay uli sa akin, kasi daw nag-guguhit na siya at masisira yung gawa niya kapag nawala ang konsentrasyon niya. Eh ang pangit naman nong ginagawa niya. Mas maganda pa nga ang kalansay doon. Yung parang mata lang yung malaki tapos yung buong katawan eh parang stick lang. Dapat parangalan siya, ipagmalaki ba naman yun.

Kinuha ko ng sapilitan sa kanyang kamay ang lapis dahil sa kagustuhang matapos na ang aking ginagawang takdang-aralin para makasali na ako sa mga kaibigan ko. Naagaw ko ang lapis at sinimangotan niya ako ngunit ipinatuloy ko pa rin ang ginagawa ko. Akala ko'y titigil na siya sa pang-gugulo sa akin dahil tumayo siya at parang aalis na ngunit nang dumaan siya sa harapan ko'y bigla niyang hinablot sa akin ang lapis at nag-iwan ito ng marka sa aking papel. Kumulo ang dugo ko dahil sa ginawa niya, gusto kung punitin ang iginuhit niya ngunit sa kasamaang palad ay nakuha niya ito kaagad bago ko palang itong pagtangkaang pirapirasuhin.

Hinawakan ng kapatid ko ang papel sa kanyang kanang kamay habang ang lapis ay nasa kaliwa naman. Inabot ko ang lapis ngunit mahigpit niya itong hinawakan.

"Akin to sabi, sa akin to", Sigaw ko sa kapatid ko habang inaagaw ang lapis.

" Ayaw ko ate, mag-guguhit pa ako", Sigaw niya sa akin pabalik habang yakap yakap ang mga dala niya at aakmang tatakbo palayo sa akin.

"Ah ganon ayaw mo ibigay sa akin ha?", Saad ko naman habang kinukuha ang librong nasa lamesa at tinarget ang mukha ng kapatid ko at.....

Boogggsssshhh!, Tunog ng librong tumakip sa mukha ng kapatid ko.

" Waaaaahhhhhh", Umalingawngaw na iyak nito. "Ang sama mo ate. Bakit mo ko binato ng libro, isusumbong kita kay papa", Iyak pa rin nito.

" Gusto mo ulitin ko ha, may isa pang aklat dito", Pagbabanta ko sa kanya habang nilalakihan ang mata upang matakot siya.

Lumabi ang kapatid ko hanggang sa umiyak ito ng umiyak sa gilid di kalaunan ay sumigaw ito at tinawag si papa at dumating nga ito. Ang pinuno ay dumating na, pumasok siya sa loob ng bahay na may tuwid na postura.

"Ano ba ang nangyayari dito?", tanong ni papa sa akin gamit ang kanyang ma-awrtoridad na tono.

" Papa si Ate binato ako ng libro", Sumbong ng kapatid kung iyak pa rin ng iyak.

"Inagaw niya sa akin ang lapis ko papa, tignan mo ang takdang aralin ko madumi na", Sabi ko habang pinapakita ang aking papel.

" Alam mo bang mali ang ginawa mo Marifel, napakabata pa ng kapatid mo, atsaka bakit ba palagi kayong nagaaway", Tanong ni papa.

"Para kayong aso't pusa", Dagdag pa nito.

Hindi ako sumagot at tahimik rin ang kapatid kong nagpapahid ng luha.

" Akin na ang lapis", Sabi ni papa at kinuha iyon sa aking kapatid. Pumasok siya sa kanyang kwarto at pagkalabas niya ay may dala na siyang gabas. Lumaki ang aking mga mata at napalunok ako sa aking nakita. Ang aking maganda at bagong lapis ay nahati sa dalawa .

" Papa, bakit mo hinati, bago mo palang binili iy

an?", Tanong ko kay papa.

"Bibili tayo ng bago pag naubos na iyan", Saad naman niya.

Ibinigay ni papa ang itaas na parte ng lapis sa akin yung mayroong pambura at sa kapatid ko'y sa ibabang parte. Pinatahan ni papa ang kapatid ko.

" Bumalik na kayo sa ginagawa niyo", Sabi ni papa at pumasok na sa kanyang kwarto.

Inulit ko ang aking takdang aralin habang umiiyak dahil sa panghihinayang sa pagkaputol ng aking lapis at pagkadismayang di na ako makakalaro sa labas. Habang ginagawa ko ito ay biglang lumapit ang kapatid kong ayaw ko ng makita.

" Pasensya na ate, huwag ka ng umiyak, ibabalik ko naman sa iyo to eh.", Sabi niya.

"Masaki pa ba mukha mo?", Tanong ko sa kanya. " Ang likot mo kasi, bumalik ka na doon, tapusin mo na yung ginagawa mo, para saan pa'y binali ang lapis ko, at pasensya na rin", Sabi ko at bumalik na kami sa aming mga gawain.

" Ako mo na sa lapis ate, gagawa ako ng proyekto.", Sigaw ng kapatid ko. Nagising ako mula sa pag-alala sa pangyayaring iyon. Isa iyong pangyayaring hindi ko malilimutan. Isa lamang iyon sa mga pag-aaway naming magkapatid. At ayoko ng maulit iyon sa kadahilanang baka pagalitan ulit kami ni papa ng dahil lang sa isang lapis.

"Isauli mo yan sa akin, lagot ka kapag nabali yan", Sigaw ko sa kanya sa labas ng pinto.

" Okay po", Sigaw niya pabalik. Kaya bumalik na ako sa kwarto para tapusin ang aking ginagawa.

Recent Posts

See All

Comments


© 2023 by Christine Jay Ancog Proudly created with Wix.com

bottom of page