top of page

“Pamahiin” Ni Ma. Jane S. Deliso

  • Writer: HUMMS A
    HUMMS A
  • Mar 16, 2018
  • 6 min read

Sa malayong nayon ng tribu Sta. Cecilia nakatira ang mag-inang Amelia at Ana. Payapa at masagana ang kanilang lugar dahil sa naglalakihang mga puno at halaman na nakatanim sa bawat sulok ng nayon. Ang malamig na simoy ng hangin na yumayakap sa buong katawan at ang lagaslas ng tubig mula sa ilog at lawa ay maririnig at makikita mo sa loob ng nayon. Tanyag ang mag-ina dahil sa kanilang paniniwala sa tinatawag nilang pamahiin.

“Ana anak, lagi mong tatandaan na sa tribu natin, pamahiin dapat ang laging susundin”, ani ni Amelia sa kanyang anak habang ito’y nagliligpit ng hapagkainan. “Nay, Alam ko na ‘ho yan. Alam ko na mamalasin ang sinumang hindi susunod o lalabag nito”, walang ganang tugon ni Ana sa Ina. “Pinapaalalahanan lang kita anak. Ayaw kong tumulad ka sa Ama mong sarili lang ang iniisip.” gatol ni Amelia dahil sa ala-ala ng dating asawa.

Hindi na kumibo si Ana. Mula pagkabata hanggang paglaki niya’y walang ibang bukambibig ang kanyang Ina tungkol sa pamahiin na kanilang pinaniniwalaan. Alalang-alala pa niya ang mga panahong tinalikuran siya ng sarili niyang Ama dahil sawang-sawa na ito sa buhay na laging sumusunod sa pamahiing ani nito ay hindi naman totoo. Alam ni Ana kung gaano kalaki ang paniniwala ng kanyang Ina sa mga pamahiin kaya iyon ang palaging pinag-aawayan ng kaniyang mga magulang hanggang sa humantong sa desisyon ng hiwalayan. Walang nagawa si Ana kundi ang sumama sa kanyang Ina.

“Huwag mong ilalabas ‘yang winawalis mo anak”, puna ni Amelia sa anak. “Parang itinataboy mo ang grasya palayo sa atin”, patuloy pa nito. “Eh Nay, ano pong gagawin ko sa mga dumi sa loob ng bahay? Iipunin ko ho ba?” tanong ni Ana na may halong pagtataka. “Mas mabuti pang ipunin mo na lang at ilabas mo nalang yon kapag umaga na”, sagot ni Amelia.

Hindi maintindihan ni Ana kung bakit ganun na lamang kalaki ang paniniwala ng kanyang Ina sa mga pamahin kung doble-trabaho lang naman ang dulot nito sa kanila. Laging sinasabi nito sa kanya na walang mawawala kung siya ay maniniwala, mas mabuti na yong sumusunod sila sa sinasabi ng mga matatanda kaysa sa mapahamak sila at pagsisihan iyon sa huli. Minsan ay naisip ni Ana, paano kaya kung lumabag siya kahit isang beses lang? Totoo ba talagang magdadala ito ng kamalasan sa buhay? O maaari rin namang tama ang sinabi ng kanyang Ama na hindi naman talaga ito totoo. Pagod na siyang maniwala sa pamahiin nito, sawa na siyang manatili sa kanilang tribu. Nais na ni Ana na sumubok nang panibagong uri ng pamumuhay.

“Rena, balita ko ay ikakasal ka na pala. Sigurado ka na ba diyan sa mapapangasawa mo?” tanong ni Amelia kay Rena, kasamahan nila sa nayon. “Oo naman ho, Nay Amelia. Sigurado na po ako kay Eduardo. Mabait po siya at responsible”, ani ni Rena. “O siya, basta huwag mong kalilimutan na kailangang apakan mo ang paa ng iyong mapapangasawa habang papunta kayo sa altar upang hind maging dominante ang asawa mo sa inyong pagsasama. At huwag kalilimutan na hindi dapat susukatin ang trahe de boda bago ang araw ng kasal dahil malas iyon sa ikakasal”, paalala ni Amelia kay Rena. “Opo, Nay Amelia. Hindi ko ho iyon kalilimutan”, sagot pabalik ni Rena sa ginang.

Rinig na rinig ni Ana ang paalala ng kanyang Ina sa kapit-bahay nilang si Rena. Halos ganoon nalang umiikot palagi ang araw nilang mag-ina. Pamahiin dito, pamahiin doon. Walang sawang sumusunod sa paniniwalang yaon. “Ana! Diba sabi ko sa’yo bawal magtahi kapag gabi. Gawin mo ‘yan sa umaga”, galit na sambit ni Amelia sa anak. “Nay, kailangan ko ito bukas dahil aalis kami ng mga kabataan sa tribu papuntang bundok at sasama ako. Wala akong susuotin kung hindi ito tatahiin ngayon”, rason ni Ana sa Ina. “Masamang magtahi ng damit kapag gabi. Para kang mang-iimbita ng mangkukulam. At kung pinoproblema mo ang susuotin mo bukas, mas mabuting dito ka na lang sa bahay. Dahil kung matisod o madapa ka habang naglalakbay ay tiyak mamalasin tayo anak. Kaya dumito ka nalang”, pangaral ni Amelia sa anak. “Nay naman eh! Lagi nalang kamalasan yang nasa isip mo!” reklamo ni Ana. “Ana, totoo ang malas. At totoo ang pamahiin. Wag mong sabihing gusto mong tumulad sa ama mo?” tanong ni Amelia. “Hindi naman ‘yon ang ibig kong sabihin Nay!” paliwanag ni Ana.

Pumasok na lamang si Ana sa loob ng kanyang silid dahil ayaw niyang makipagtalo sa Ina dahil tiyak na hindi siya mananalo. Alam niya simula’t sapul na walang makakapagpabago sa isipan nito. Ngayon ay tumatakbo sa isipan ni Ana na hindi ang Ama niya totoong may kasalanan sa nagyaring hiwalayan. Maaaring ang Ina niya ang dahilan sapagkat iniisip lang nito ang sariling pinaniniwalaan.

Kinabukasan habang nanananghalian ang mag-ina ay aksidenteng nalaglag ni Ana sa sahig ang isang tinidor mula sa hapag. “May darating na bisita”, ani ni Amelia sa anak habang kumukuha ng ulam sa lalagyan. “Lalake”, dugtong pa nito. “Paano niyo po nalaman?” usisa ni Ana sa Ina habang pinupulot nito ang nahulog na tinidor sa sahig. “Anak, kapag kutsara, isinisimbolo nito ang mga kababaihan at tinidor naman sa kalalakihan. At dahil tinidor ‘yan kaya lalake ang dadating”, anito. Ilang minuto ang lumipas nang biglang may kumatok sa pinto. Eksaktong kasasabi pa lang ng nanay niya iyon. Binuksan ni Ana ang pinto at bumungad sa kanya ang kanyang ama.

“Tay! Napadalaw ho kayo”, ani ni Ana sa kanyang Ama. “Ana anak, kamusta ka na? Nagdala ako ng ulam para sa inyo ng nanay mo”, sabi ni Rudolfo. “Ganoon ba tay, pasok ho muna kayo”, anyaya ni Ana sa kanyang ama. Biglang sumulpot sa pinto si Amelia at hinarangan agad ang dating asawa sa tangkang pagpasok nito. “Anong ginagawa mo rito? Sinong nagsabing may karapatan kang pumunta rito?” galit na sambit ni Amelia kay Rudolfo. “Nay, Sige na ho. Papasukin niyo na si tatay. Binibisita lang naman niya tayo”, pagmamakaawa ni Ana sa Ina. “Hindi anak! Hindi pwede. ‘Yang ama mo kamalasan lang ang dala niya sa pamilyang ito. Ni hindi na nga ‘yan naniniwala sa mga pamahiin. Huwag na huwag mo siyang tutularan”, ani ni Amelia na galit ang tono. “Nay! Pwede bang minsan naman wag mong pairalin yang mga pamahiin mo. Kaya ka iniwan ni tatay dahil sarili mo lang ang iniisip mo!” sigaw ni Ana sa Ina.

Hindi makapaniwala si Amelia sa sinabi ng kanyang anak. Tila binuhusan siya nang napakalamig na tubig dahil sa gulat. At ng na proseso na niya ang sinabi nito’y, walang atubili niya itong sinampal dahil sa nanginginig na galit. “Ano Ana?! Sumasagot ka na sa Ina mo? Gusto mong tumulad sa Ama mong walang kwenta? Sige, sumama ka sa kanya. Patunayan mo ang sarili mo. Dahil ‘yon naman talaga ang gusto mo diba? Siguraduhin mo lang na hindi mo ito pagsisisihan!”, galit na untag ni Amelia at tumalikod pabalik sa loob ng bahay. Naiwan si Ana kasama ang kanyang Ama. Hindi namalayan ni Ana ang mga luhang lumandas sa kanyang pisngi dahil siya man din ay nagulat sa kanyang ginawa. Pero buo na ang kanyang desisyon. Sasama siya sa kanyang Ama upang maranasan ang ibang uri ng pamumuhay na ninais niyang maranasan.

Dumaan ang araw, linggo at buwan ngunit naramdaman na ni Ana ang matinding pagsisisi sa kanyang ginawa. Unti-unti siyang kinakain nang kanyang konsensya dahil sa maling pagtrato niya sa kanyang Ina. Napagtanto niya sa nagdaang mga araw ang hirap at kamalasan na kanyang napagdaanan. Marahil ito na ang tinatawag nilang karma na dahan-dahang pumapatay sa kanya. Nais na niyang bumalik sa kaniyang tribu at humingi ng tawad sa kanyang Ina ngunit inuunahan siya ng takot at pangamba. Na baka hindi na siya tanggapin ng Ina at ipagtabuyan na siya nito.

“Ana anak, ba’t ang tahimik mo? May problema ba?” tanong ni Rudolfo sa anak. “Wala ho tay. Iniisip ko lang si Ina at ang tribu kung kamusta na sila”, malungkot na sambit ni Ana. “Maaari mo namang punt—“ hindi natuloy na sabi ni Rudolfo. Nagtataka siya kung bakit biglang tumayo si Ana tila gulat na gulat ito sa nakita. Nakakita si Ana ng itim na pusang nakaharap sa kanya. Naalala ni Ana ang sabi ng kanyang Ina na kapag nakakita ka ng itim na pusa ay may mangyayaring masama. “Si Ina!!”, sigaw ni Ana. Walang atubiling tumakbo si Ana pauwi sa nayon. Takbo, lakad, takbo ang ginawa niya upang makarating sa kinaroroonan ng kanyang Ina. Takot na takot siya na baka may nangyaring masama sa kanyang Ina, tiyak hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili.

Malaki ang pasasalamat ni Ana nang makita niya ang kaniyang Ina na nakaupo sa labas ng kanilang bahay tila napakalalim ng iniisip nito. Agad-agad niya itong nilapitan at niyakap habang napahagulgol ng iyak. “Anak, bumalik ka”, ani ni Amelia na gulat na gulat. “N-nay, patawarin n-niyo po ako. N-naging makasarili a-ako at h-hindi ako nakinig s-sa inyo”, utal na sabi ni Ana dahil sa walang humpay na pag-iyak. “Alam mo anak, noon, hindi rin ako naniniwala sa pamahiin. Lagi kong sinusuway ang lolo’t lola mo. Hanggang sa nangyari ang hindi ko inaasahan. Naaksidente sila ng dahil sakin. Hindi ako nakinig nang sinabihan nila akong ‘wag umalis papuntang bundok. Mga pamahiing itinuro nila sa akin ay nilabag ko. At anak, ayaw kong maranasan mo iyon. Ayaw kong may pagsisisihan ka rin sa huli”, ani ni Amelia sa anak. “Naiintindihan ko ho nay. Totoo man ang pamahiin o hindi ay maniniwala na ho ako simula ngayon basta’t magkasama tayo, ‘yon ang importante”, ani ni Ana sa Ina.

Habang magkayakap ang mag-ina’y biglang may nakita si Ana. Dalawang kayumangging paro-paro. Ayon sa pamahiin, iyon daw ang kaluluwa ng mga taong sumakabilang buhay na. Marahil iyon ay ang kanyang lolo’t lola na masayang nakikitang magkayakap ulit sila ng kanyang ina.

Recent Posts

See All

Comments


© 2023 by Christine Jay Ancog Proudly created with Wix.com

bottom of page